Pasiya
Hirangin ka ay madali; subalit, matimtiman pa rin sa pagkawala ang isipang patuloy na binabalasa ang mga galaw mong likha lamang ay purong ligalig--- walang linaw at hindi mawari kung ikaw ba'y nais magpapili.
Ang daming daang tinakbo, nilakaran, at tinaguan; namitig at nahapo lang, sapagkat bawat dulo, saan man napadpad, ikaw pa rin ang natanaw. Makailang beses sinubukang iwasan, ngunit sa huli ikaw pa rin ang sigaw. Alam mo bang napakasukal ng daan palayo sa iyo? Napakadawag at mapanglaw. Binulay ko kung paano ako humantong dito: kung anong bilis at dali, ay siyang hirap namang taluntunin ang bawat yapak papalabas mula sa nakakasindak na lunos na ito. Napasong mag-isa. Mag-isa nga ba? Isipan ay naguguluhan. Takot manalig at sumugal, sapagkat pagal na ang pusong nanghihinawang masaktan---puno na ng duro dulot ng mga bulong nagdaan.
Mga baging ng gunita ang pilit na tumataban sa mga pag-aakmang lisanin na ang pag-asang inilaan sa mga bagay na nauulapan ng mga baka sakali at agam-agam. Nababatid mo ba na ang aking dam-damin ay hayag at totoo? Tama. Tama ka. Wala na akong itatago. Subalit, sa tuwing ako ay hahakbang palapit, ikaw ay siyang nalayo. Hindi mawari ang iyong nininilay, o marahil ang mga ito ay kathang isip ko lamang. Siguro nga, ako sa iyo'y wala naman talagang halaga. Isang lasang tangang pag-asa lang ang aking nadarama.
Hindi, hindi ka nagkamali.
Ako ang may sala. Sapagkat ang batingaw ng puso ay ang una kong nilinang. Ilang buwan pa bago ko naalala, sambitin na utak pala dapat ang pinagana. Ngayon, pawang yari sa luksa ang mga mata. Sa palo ng hapis tila ay nasanay na---kayang lagokin ano mang pait at dusa bunga ng parusa ng pagsisisi.
Inaamin ko, hindi iyon wasto. Noong araw na ako ay humakbang patalikod patungo sa mga pangarap na hindi ko rin naman pihado. Nagkukuyom na mga palad ako pa rin ay tumungo, kahit labag sa aking loob, sa lugar na akala ko ay matatakasan ko ang mga nararamdaman para sa iyo. Dadapwa't aalis, may karampot na pag-asa na baka sakaling iyong malinaw na sambitin na huwag na sanang lumisan pa. Gayon pa man, hindi lang ganoon ang lahat.
Malapit na ang takdang oras. Panahon kung kailangan magpatuloy pa---sa lugar kung saan pinili ang makalimot. Isang linggong nalalabi bago magpasiya. Maghihintay ng mga palatandaan sa susunod na paghagpang. Hirangin ka ay madali; subalit, matimtiman pa rin sa pagkawala ang isipang patuloy na binabalasa ang mga galaw mong likha lamang ay purong ligalig--- walang linaw at hindi mawari kung ikaw ba'y nais magpapili. Sapagkat, marahil, ikaw ay may ibang iniibig. Kahit ganon, ikaw pa rin ang hahangarin hanggang sa mapagal na lang ang puso at kusang sumuko ang damdamin.
Babalikan ang likhang ito makalipas ng ilang taon. Umaasang maalala ang mga pagkakataon, ngunit ang mga panggigipuspos ay lipas na.
Source: Google Images
Comments
Post a Comment