Pasiya
Hirangin ka ay madali; subalit, matimtiman pa rin sa pagkawala ang isipang patuloy na binabalasa ang mga galaw mong likha lamang ay purong ligalig--- walang linaw at hindi mawari kung ikaw ba'y nais magpapili. Ang daming daang tinakbo, nilakaran, at tinaguan; namitig at nahapo lang, sapagkat bawat dulo, saan man napadpad, ikaw pa rin ang natanaw. Makailang beses sinubukang iwasan, ngunit sa huli ikaw pa rin ang sigaw. Alam mo bang napakasukal ng daan palayo sa iyo? Napakadawag at mapanglaw. Binulay ko kung paano ako humantong dito: kung anong bilis at dali, ay siyang hirap namang taluntunin ang bawat yapak papalabas mula sa nakakasindak na lunos na ito. Napasong mag-isa. Mag-isa nga ba? Isipan ay naguguluhan. Takot manalig at sumugal, sapagkat pagal na ang pusong nanghihinawang masaktan---puno na ng duro dulot ng mga bulong nagdaan. Mga baging ng gunita ang pilit na tumataban sa mga pag-aakmang lisanin na ang pag-asang inilaan sa mga bagay na nauulapan ng mga baka sakali a